MANILA, Philippines — Nangangamba ang ilan na posibleng ilipat lamang ng Don Mariano Bus Transit sa ibang kumpanya ang kanilang mga sasakyan upang muling makapag-operate.
Ngunit nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi ito maari dahil may umiiral na moratorium sa pag-apruba ng bagong prangkisa.
Sinabi ni Chairman Atty. Winston Ginez na hindi naman pagbabawalan ng LTFRB na ibenta ang 78 bus ng Don Mariano, subalit siniguro ng ahensya na hindi na nila ito bibigyan ng prangkisa.
Ang maaari lamang aniyang gawin ng Don Mariano ay ibenta at gawin itong pamalit sa mga luma o sirang sasakyan ng ibang kumpanya, subalit kailangan pa itong dumaan sa sale and transfer approval ng ahensya.
“Pwede nilang ibenta ito o ibigay sa iba, pero dahil sa wala tayong ibinibigay na new franchise sa ngayon, ang maaari lamang nito ay pwedeng pampalit lamang sa mga lumang bus ng other bus companies,” saad ni Ginez.
Samantala, tiniyak ng LTFRB na matatanggap ng mga biktima ng nahulog na bus sa Skyway noong Disyembre ang financial support mula sa Don Mariano.
Ayon kay Ginez, nakasaad sa batas na kailangang panagutan ng isang public transport company ang nalikha nitong pinsala sa tao man o pag-aari. Hindi rin umano dapat ikatwiran ng kumpanya na natigil ang kanilang operasyon upang mahinto din ang suporta sa mga biktima.
Ayon sa LTFRB, mayroon pang pag-aari ang Don Mariano na mga bus company gaya ng Fermina Express, Mencorp, Commuters, Nova at Roval Transport.
“Talagang obligasyon ng mga operator na bayaran ang anumang damages o danyos na natanggap o na suffer ng mga biktima ng sakuna lalo na at ito ay kasalanan ng kumpanya,” saad pa ni Ginez.
Kaugnay nito, simula ngayong taon ay tataasan na ang matatanggap na insurance para sa naaaksidente sa daan. Mula sa P75,000, gagawin na itong P150,000. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)