DAVAO CITY, Philippines — Malaki na ang pinsalang idinudulot sa mga magsasaka sa Davao Oriental ng umiiral na Low Pressure Area (LPA).
Sa pinakahuling tala ng Davao Oriental Provincial Agriculturist Office, nasa mahigit 7-libong ektaryang taniman at fishpond na ang nasira sa 11 munisipalidad.
Karamihan sa mga nasirang tanim ay palay, mais, gulay, saging, abaca at iba pang prutas at niyog.
Apektado din ang ilang livestock industry sa bayan ng Boston dahil nasa limandaang manok, baboy, kambing at kalabaw ang namatay dahil sa masamang lagay ng panahon.
Sa pagtaya ng Provincial Agriculturist Office, patuloy pang tataas ang bilang na ito dahil ngayon pa lamang nagdadatingan ang impormasyon hinggil sa pinsala ng kalamidad mula sa iba’t ibang bayan.
Samantala, nagbabala naman ang mga awtoridad sa mga residente ng Brgy. Dahican sa Mati City na huwag kainin ang mga napulot nilang isda dahil sa banta ng fish kill.
Sa ngayon ay patuloy pang pinag-aaralan ang posibleng dahilan ng pagkamatay ng mga isda na maaaring mapanganib sa kalusugan ng mga makakakain nito. (Louell Requilman / Ruth Navales, UNTV News)