Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Legalidad ng EPIRA Law, kabilang sa tatalakayin sa oral arguments sa Enero 21

$
0
0
IMAGE_JAN162014_PHOTOVILLE International_MERALCO_POWER RATE HIKE ORALS

Disclaimer: Not the official poster for the event. Artist impression only. (PHOTOVILLE International)

MANILA, Philippines – Nakalatag na ang mga isyung pagtatalunan sa oral arguments sa January 21 kaugnay ng mga petisyon laban sa dagdag-singil sa kuryente ng Manila Electric Co. (MERALCO).

Sa isang advisory na inilabas ng Korte Suprema, kabilang sa mga tatalakayin ang legalidad ng ilang probisyon ng kontrobersyal na EPIRA Law (Electric Power Industry Reform Act).

Partikular ay kung labag nga ba sa saligang-batas ang Section 6 at 29 ng EPIRA na nagsasabing hindi public utilities ang power generation at supply sector kaya’t hindi maaaring pakialaman ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang singil na ipinapataw ng mga ito.

Magugunitang hiniling ng Bayan Muna na ipawalang-bisa ang naturang mga probisyon dahil ito umano ang ginagawang basehan ng walang pakundangang mga singil sa kuryente.

Bubusisihin din sa oral arguments kung labag nga ba sa due process ang pagpayag sa otomatikong adjustment o pagtaas ng generation charge.

Aalamin din kung nangangahulugan ito na isinuko na ng ERC ang kanilang obligasyon na i-regulate ang presyo ng kuryente.

Pag-uusapan din kung labag nga ba sa due process ang pag-apruba ng ERC sa mahigit apat na pisong dagdag-singil sa kuryente ng MERALCO, at kung labag ito sa mandato ng ERC na protektahan ang mga consumer sa pang-aabuso ng mga power company.

Kalahating oras ang inilaan sa mga grupo upang ilahad ang kanilang mga argumento.

Pinadadalo rin ng Korte Suprema sa oral arguments sina Energy Secretary Jericho Petilla, ERC Chairperson Zenaida Ducut, at Philippine Electricity Market Corporation President Melinda Ocampo.

Ayon sa korte, kakailanganin ang nabanggit na mga opisyal sakaling may mga paglilinaw sa mga proseso ng kanilang opisina. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481