MANILA, Philippines — Itinalaga na si National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Director Attorney Virgilio Mendez bilang bagong hepe ng ahensiya.
Nitong umaga ng Huwebes, Enero 16, nanumpa sa tungkulin si Mendez sa harap ni Justice Secretary Leila De Lima.
Ang 62 years old at tubong Cagayan de Oro na si Mendez ay nagdiriwang din ngayon ng kanyang ika-36 na taon sa serbisyo sa NBI.
Nagsimula si Mendez bilang NBI agent noong 1978 sa Zamboanga City. At dahil sa ipinakitang dedikasyon, makaraan ang halos 25 taon ay naitalaga si Mendez bilang pinuno ng NBI Region 10.
Taong 2007 nang maitalaga siyang Deputy Director for Comptroller. Nailipat siya sa administrative services noong 2009, at taong 2011 nang maging Deputy Director for Regional Operations Services.
Noong nakaraang taon, pinangunahan ni Mendez ang imbestigasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa mga pumatay sa negosyanteng si Kae Devantes.
Siya rin ang nakahuli sa Cotabato City kay Abdul Malang, ang nasa likod ng Cagayan de Oro bombing. Si Mendez rin ang dahilan sa pagka-aresto kay Guialaludin Scandal Otto alyas “Boy Muslim” na may kasong two counts of murder.
“From within eh medyo matagal-tagal na since the last time na nagkaroon ng director na insider na NBI. I think malaking bagay yan in terms of improving the morale of our workers especially our agents in NBI,” ani Justice Secretary Leila de Lima.
Magugunitang sa nakalipas na 13 taon, pawang mga outsider ang naitatalagang pinuno ng NBI simula kay Reynaldo Wycoco, Magtanggol Gatdula at Nonnatus Ceasar Rojas.
Nangako naman ang bagong talagang NBI chief na tututukan ang nakatambak na kaso sa ahensya sa loob ng tatlong nalalabing taon bago tuluyang umabot sa kanyang retirement age.
“Ma’am FYI today is the first day that I join the NBI, January 16, 1968. That is why I was so excited yesterday for goodness. Now I’m still here in the NBI. I served my best here,” ani Mendez. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)