MANILA, Philippines — Nagpapatuloy ang kampanya ng pamahalaan laban sa online child prostitution kahit noong wala pa ang malawakang operasyon ng iba’t ibang mga bansa laban sa child sex ring na bumibiktima ng mga kabataang Pilipino.
Ayon kay Justice Secretary Leila De Lima, dati ng may kampanya laban dito ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at ang Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI).
“We have been doing this all along, pero siyempre malaking bagay din yan, nakakatulong yan na may coordinated and intensified efforts also from the foreign authorities,” saad nito.
Sa datos ng IACAT, limang magkakahiwalay na operasyon ang isinagawa sa pangunguna ng Cyber Trafficking Unit sa Metro Manila at Cebu City mula Abril hanggang Nobyembre ng nakalipas na taon.
Nagresulta ito sa pagkaka-rescue ng 22 menor de edad na biktima ng online prostitution at pagkaka-aresto ng anim na mga suspek.
“There have been a number of raids conducted and there is always coordination with other law enforcement agencies of other countries,” pahayag pa ni De Lima.
Aminado rin ang kalihim na may kakulangan sa resources ang gobyerno sa paghahabol ng mga nasa likod ng cybersex
Aniya, “Well, palagi namang kulang ang resources natin ngayon in terms of law enforcement, but there has always been continued support logistically, etc.”
May sarili na ring cybercrime office ang DOJ na tututok sa mga online crime kabilang na ang cyber prostitution.
Ngunit ayon sa kalihim, hindi nila maitodo sa ngayon ang operasyon nito dahil hinihintay pa nila ang desisyon ng Korte Suprema sa legalidad ng Cybercrime Prevention Law. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)