CAGAYAN DE ORO CITY, Philippines — Muling ginawaran ng pagkilala ng Department of Education sa Cagayan De Oro City ang UNTV (Public Service Channel) at grupong Ang Dating Daan (ADD) dahil sa proyektong “Dunong Gulong”.
Sa dalawang taong pamamalagi ng tinaguriang mobile school na Dunong Gulong bus sa Cagayan De Oro, malaki na ang naiambag nito upang maisakatuparan ang pagbibigay ng kalidad na edukasyon sa mga out of school youth sa siyudad.
Sa tulong ng Dunong Gulong Bus, maraming out of school youth ang nakapagtapos na ng secondary level at marami na rin sa kanila ang mayroon ng magandang trabaho.
Hindi lamang sa mga mag-aaral nakatulong ang Dunong Gulong Bus kundi maging sa mga naging partners nito na lokal na pamahalaan sa Cagayan de Oro at Xavier University.
Bukod sa mga mag-aaral, malaking tulong rin ang Dunong Gulong Bus sa lokal na pamahalaan sa Cagayan De Oro at Xavier University.
Ayon kay Dr. Reynaldo E. Manuel Jr., Assistant Schools Division Superintendent, nagkaroon ng ideya ang kagawaran ng edukasyon na tularan ang mabuting hangarin na pinasimulan nina Kuya Daniel Razon at Bro. Eli Soriano.
Samantala , nagpasalamat naman ang Department of Education sa pangunguna ni Elena M. Borcillo, Schools Division Superintendent dahil naging kabahagi sila ng magandang adhikain na isinusulong ng UNTV at Ang Dating Daan.
Sa mga susunod na araw, aalis na ang Dunong Gulong Bus sa Cagayan De Oro at lilipat ng Tacloban. (Anne Sanchez / Ruth Navales, UNTV News)