MANILA, Philippines — Kalat na sa buong bansa ang problema sa child pornography.
Sa datos na nakuha ng PNP Anti Cybercrime Group sa child exploitation and online protection na nakabase sa United Kingdom, mula Luzon, Visayas at Mindanao nangyayari ang transmission ng mga larawan at video ng mga batang naaabuso.
Ayon kayPNP-ACG Chief, Senior Supt. Gilbert Sosa, pinakamaraming na-monitor na transmission ng child pornographic materials ay sa Angeles City sa Pampanga, Cebu City, Cagayan De Oro at Metro Manila.
Ayon pa sa Anti-Cybercrime Group pasok ang Pilipinas sa Top 10 countries sa buong mundo na pinanggagalingan ng child porn materials o child abuse materials.
Isa sa problemang nakikita ng pulisya sa paglala ng child pornography sa bansa ay dahil mismong mga magulang ang nagtutulak sa kanilang mga anak sa naturang trabahong.
Ayon sa PNP, pinakamababang bayad ay $100 US kada oras kung video streaming, habang P1,000 hanggang P2,000 kada araw kung photo shoot.
Ayon sa pulisya, isa nang billion dollar industry ang child pornography sa bansa.
Samantala, isa rin sa nagiging problema ngayon ng PNP ay ang pagkaka-TRO sa pagpapatupad ng Anti Cybercrime Law dahil hindi nila maobliga ang mga telecommunication company na i-preserve ang mga kailangan nilang datos.
Sa ilalim ng batas maaring i-retain ng Telco’s ang log files ng anim na buwan.
Apela ng PNP, kailangan ang pagtutulungan upang masugpo ang problema ng child pornography. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)