ALBAY, Philippines — Idinadaing na ng mga mangingisda ang kawalan ng kita dahil sa nagpapatuloy na masamang lagay ng panahon.
Bukod sa mga pagbaha at landslide sa Visayas at Mindanao, apektado rin ng masamang lagay ng panahon ang ating mga kababayang mangingisda dito sa lalawigan.
Daing ng mga mangingisda, wala na silang kinikita dahil halos dalawang linggo nang nakataas ang gale warning bunsod ng epekto ng Bagyong Agaton.
Kapag ganitong masama ang panahon, hindi na sila pinapayagang mangisda upang maiwasan ang anumang trahedya sa karagatan.
Bunsod ng kakulangan ng supply ng isda dito, tumaas din ang presyo nito sa palengke. Sampu hanggang bente pesos ang itinaas sa presyo ng seafoods.
Sa ngayon ay umaasa din ang mga mangingisda at residente dito sa Albay na magiging maayos na ang lagay ng panahon upang bumalik sa normal ang kanilang hanapbuhay pati na ang suplay at presyo ng mga bilihin sa palengke. (UNTV News)