MANILA, Philippines — Aminado ang Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na pangunahing nagpapahirap sa kanilang operasyon laban sa child pornography ang mga unregistered prepaid sim card sa bansa at ang temporary restraining order na inilabas ng korte.
Ayon kay ACG Director Senior Supt. Gilbert Sosa, mahirap para sa kanila na matukoy ang pagkakakilanlan ng mga distributors at transmitters na nagsasagawa ng child pornography.
Paliwanag nito, “the criminals are now using devices especially cellphones, kasi karamihan ng cellphones natin ay parang mini computers na at yung mga mobile devices ngayon ang ginagamit na ng mga kriminal to commit cyber crimes.”
Sinabi pa nito na bagama’t ginagawa nila ang kanilang trabaho ay limitado ito dahil sa temporary restraining order o TRO na ibinaba ng korte sa Cybercrime Prevention Act kung saan hindi nila makuha ang data sa mga telecommunication companies.
“Under that law, Telco are required to retain their data or log files within the period of six months.”
Ayon pa kay Sosa, “kapag nasabi na nilang na-preserved na nila ung data, that’s the time that we go to court for the production of evidence, dalawang phase kasi yan preservation and production.”
Idinagdag pa ng opisyal na dahil walang legal basis ay hindi naoobliga ang telecommunications company na mag-comply sa mga kailangan nilang data para sa isinasagawa nilang imbestigasyon.
“Kaya kapag kinailangan namin yung log files, wala na kaming makukuha ngayon, so we face blank wall,” saad pa ni Sosa.
Kaugnay nito, ilulunsad naman ng Anti Cybercrime Group ang “Project Angel Net” sa Marso upang protektahan ang mga kabataan at hindi masadlak sa pornograpiya. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)