SORSOGON, Philippines — Patuloy na dumarami ang mga pasaherong nai-stranded sa pantalan sa Matnog, Sorsogon dahil sa masamang lagay ng panahon sanhi ng bagyong Agaton.
Umabot na sa halos 20-kilometro ang haba ng pila ng mga sasakyan papasok sa pantalan.
Nakahilera ang mga ito sa marshalling area at highway sa bayan ng Matnog, Irosin, Juban, Casiguran, abot hanggang Sorsogon City.
Ayon sa mga awtoridad, umabot ng ganito kahaba ang pila ng mga sasakyan dahil kanselado ang biyahe ng mga barko patungo sa ibang isla bunsod pa rin ng masamang panahon.
Sa pinakahuling tala, umabot na sa 6,407pasahero at nasa walongdaang mga sasakyan ang stranded sa Matnog port.
Ayon naman sa Philippine Ports Authority, pansamantalang ginagamit ngayon na daungan ang San Isidro port ng mga barkong galing sa Matnog, Allen, Samar bunsod ng malalaking alon. (Aiza Fabilane / Ruth Navales, UNTV News)