MANILA, Philippines – Mas mataas ang bilang ng mga insidente ng sunog sa kalakhang Maynila ngayong taon kumpara noong 2012 ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon kay BFP Spokesperson Chief Insp. Renato Marcial, umabot ng 1,486 ang naitalang sunog simula noong Enero hanggang buwan ng Abril ngayong taon .
Mas mataas ang nasabing bilang kumpara sa 1,308 noong 2012 sa kaparehong buwan.
“Ang fire aspects is everybody’s concern, hindi yung bahala na ang bumbero kasi darating lang kami pag may sunog, pero nandon na kami sa prevention nagbigay kami ng tips, nag-iinspeksyon kami and yet nakakaroon pa rin ng sunog dahil sa kapabayaan ng tao,” pahayag ni Marcial.
Sinabi pa ng opisyal na dahil sa kapabayaan ng ilan, electrical problem ang madalas na sanhi ng mga sunog.
“Negligence o kapabayaan minsan yung mga electrical connection natin o tinatawag na electrical short circuit dahil hindi regular na ipinapa-check ang linya ng kuryente.”
Panawagan ng BFP, kung may emergency kaagad tumawag sa kanilang hotline nos. 729-5166 at 117. (Lea Ylagan & Ruth Navales, UNTV News)