MANILA, Philippines – Papatawan na ng mas mabigat na parusa ang sinomang mahuhuling nagbebenta ng mga bocha o double dead na karne.
Ito’y matapos lagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Republic Act 10536 na nag-aamiyenda sa Meat Inspection Code of the Philippines.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, inatasan na ni Pangulong Aquino si Agriculture Secretary Proceso Alcala na siyang magpataw ng administrative fines at penalties sa mga lalabag sa batas.
“The secretary of agriculture, who was mandated to provide administrative fines and penalties, ngayon po meron na hong nilagay ang batas ng fines at imprisonment doon sa lalabag sa provision ng batas na ito.”
Nakapaloob rin sa naturang batas na ang mga karne na kinatay sa mga hindi rehistrado o unaccredited na mga katayan o slaughter houses ay ituturing nang “hot meat”.
Maging ang mga smuggled na karne ay ituturing na rin na “hot meat”
Ang mga mahuhuli at mapatutunayang nagbebenta, nagbibiyahe at nag-aalok nito ay makukulong ng mula 6 hanggang 12-taon at pagmumultahin ng mula P100,000 hanggang 1-milyong piso. (Nel Maribojoc & Ruth Navales, UNTV News)