MANILA, Philippines – Nakahanda ang Department of Foreign Affairs (DFA) na tulungan ang mga Pilipino na maaapektuhan ng crackdown ng Malaysian government sa mga undocumented foreign worker na magsisimula ngayong Martes, Enero 21.
Ayon sa DFA, may 700-libong Pilipino ang nasa Malaysia ngayon, at tinatayang nasa 20-libo hanggang 30-libo dito ang undocumented o walang papeles.
Sinabi ni DFA Spokesman Asec. Raul Hernandez na simula noong Setyembre hanggang Disyembre 2013, mahigit limang libo na ang sumailalim sa voluntary repatriation program ng pamahalaan.
“This facilitation will continue and consular outreach missions will also proceed as scheduled in order to reach and serve as many Filipinos as possible,” pahayag nito.
Ayon pa sa DFA, kung ibibilang ng gobyerno ng Malaysia ang Sabah sa isasagawang crackdown, posibleng mas maraming Pilipino pa ang maapektuhan.
Sa ngayon ay hindi pa matiyak ng DFA kung ilan sa 400-libong Pilipino na nasa Sabah ang walang papeles.
Ani Hernandez, “Well, if we include the Filipinos in Sabah, there will be more because there are so many Filipinos in Sabah.”
Muli namang nanawagan ang DFA sa mga undocumented migrant Filipino worker na boluntaryong sumuko sa awtoridad upang hindi bumigat ang kaso.
Nakahanda naman ang kagawaran na tulungan ang mga ito upang makauwi ng bansa. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)