MANILA, Philippines — Ipinahayag ni Senador Loren Legarda, ang chairperson ng Senate Committee on Climate Change ang kaugnayan ng kalamidad at kahirapan sa isinagawang high level forum on strengthening disaster risk insurance kanina, Martes.
Ayon sa senador, base sa tala ng National Economic and Development Authority (NEDA), umabot sa P571 billion ang kabuoang halaga ng pinsala sa bansa ng nagdaang Super Typhoon Yolanda.
Tumaas naman mula 4.1% noong 2012 hanggang 55.7% noong 2013 ang poverty incidence sa Eastern Visayas na pinaka-nasalanta ng bagyo ayon sa pagtaya ng Asian Development Bank (ADB).
Dahil dito, hinihikayat ni Legarda ang national at lokal na pamahalaan, maging ang mga pribadong sektor na kapulutan ng aral ang mga nagdaang kalamidad na tumama sa bansa.
“Alam natin na higit sa kalahating bilyong dolyares ang nawala sa Haiyan o Yolanda, at higit anim na libo ang namatay. Hindi naman maaaring palagi nalang tayong kuha nang kuha sa ating savings para sa rehab at recon. Kailangan may paraan para tayo ay maagapan natin ang gastusin sa kahirapan na dulot ng disaster na to,” pahayag nito.
Dagdag pa ni Legarda, hindi lamang dapat mag-concentrate sa pag-iwas sa pagkawala ng buhay ang Disaster Risk Reduction Strategies (DRR) kundi maging sa pagprotekta sa mga imprastruktura.
Dito aniya pumapasok ang disaster risk insurance.
“Simply put, insurance, magkakaroon ng ‘pag maapektuhan, ay may mapagkukunan. Ito, risk reinsurance, ibig sabihin, inililipat ang insurance outside of the Phils. Nirereensure sa iba.”
Sa ilalim ng polisiyang ito, isinusulong ang resilience o ang sustainable at sturdy form ng pabahay at imprastruktura.
Nakasaad din aniya dito ang pagkakaroon ng sapat na pondo at resources ng mga lokal na pamahalaan upang hindi na umasa sa national government.
Subalit binigyang diin ng senador na hindi ito ang sagot o solusyon sa problema ng kalamidad.
Aniya, “bagama’t tayo ay magkakaroon ng reinsurance ay kailangan building back better tayo. Dapat resilient ang ating infra. Kailangan ang ating energy renewable, sustainable ang ating pamumuhay. Kaya ito ay isang tuldok lamang sa malaking paghahanda laban sa mga sakuna.”
Ayon kay Legarda, pag-aaralan pa ng senado at mga eksperto ang konsepto ng disaster risk insurance.
Ang isinagawang forum ay bahagi ng pagtalakay ng disaster management procedures, na una nang sinabi ni Senate President Franklin Drilon na isa sa top agenda ng senado ngayong 2014. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)