MANILA, Philippines – Ipinagbabawal pa rin ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng ilang poultry product mula sa China.
Ito’y kasunod ng ulat ng Ministry of Agriculture ng China ng outbreak ng highly pathogenic avian influenza A (H5N1) virus sa ilang village doon.
Kasama sa import ban ang itlog, peking duck, poultry meat, day old chick at semen.
Mula pa noong 2003 ay hindi na umaangkat ang Pilipinas sa China ng mga nasabing produkto dahil sa H7N9 avian flu.
Tiniyak naman ng Bureau of Animal Industry (BAI) na mahigpit ang kanilang pagbabantay maging sa mga bagahe ng mga nanggagaling sa Hong Kong at China.
“Pati yung mga pasaherong galing sa China o Hong Kong bawal na bawal na magdala ng poultry products specially may I remind people coming from Hong Kong na not to buy peking duck na dadalin nila sa Pilipinas. Kukumpiskahin namin yan pagdating niyo sa airport,” babala ni BAI Assistant Director June Amurao.
Sa ngayon ay umaangkat ng karne ng baka at ibang poultry product ang Pilipinas mula sa Canada, Amerika, Brazil, Netherland, Australia at ilang bansa sa Europa.
“All of these countries were accredited by the BAI or DA na magdala ng frozen meats dito sa Pilipinas,” dagdag pa ni Amurao.
Wala namang naitatalang disease outbreak ang BAI sa mga poultry sa bansa sa kabila ng malamig ang panahon. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)