MANILA, Philippines — Paglilihis lamang sa tunay na isyu ang ginawang privilege speech ni Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. sa Senado nitong Lunes.
Sa press briefing nitong Martes sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio ‘Sonny’ Coloma Jr. na mabuti sanang pagkakataon ang privilege speech ng senador upang magpaliwanag sa publiko kaugnay ng pagkakasangkot nito sa pork barrel scam.
Kaugnay nito, walang binanggit si Coloma tungkol sa pulong ni Pangulong Aquino sa iba pang senador bukod kay Revilla.
Gayunman, pinabulaanan ng Palasyo na nakiusap ang Pangulo kay Revilla na bumoto para ma-impeach si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)