MANILA, Philippines – Kailangang pag-aralan ng Philippine National Police (PNP) ang crime prevention program nito kasunod ng pagtaas ng krimen sa buong bansa.
Para sa isang mambabatas at dating opisyal ng PNP, ang paglobo ng krimen ay nangangahulugan na may problema sa sistema.
Ayon kay ACT-CIS Party-list Rep. Samuel Pagdilao, nagpapakita ito na hindi mabisa ang crime prevention program ng PNP.
“They should also turn and evaluate themselves. Tao, kasangkapan, personnel motivated ba, tama ba strategies.”
Ayon sa mambabatas, bukod sa pag-evaluate sa sariling programa, mahalagang sangkap ng epektibong kampanya laban sa kriminalidad ang makuha ang kooperasyon at tulong ng publiko.
Aniya, “If public supports PNP, I don’t see any reasons that crime can’t be prevented.”
Naniniwala naman si Pagdilao na hindi pa napatutunayang mahusay na pampigil sa pagtaas ng kriminalidad ang pagbuhay sa death penalty.
Ang kailangan aniya ay mapagtibay ang justice system sa bansa kung saan nahuhuli at napaparusahan ang mga kriminal.
“Even if crime punishable lang ng ganito pero kung mabilis ang proseso nahuli ito napatunayan at nakulong, that will be a deterrent to criminals,” pahayag pa ng opisyal. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)