MANILA, Philippines – Nilagdaan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang Republic Act 10535 na mas kilala sa tawag na “The Philippine Standard Time Act of 2013″ nitong Huwebes, May 23, 2013.
Sa naturang batas, inaatasan nito ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na i-synchronize ang kanilang mga orasan sa Philippine Standard Time (PST) ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
“Lahat po ng ahensya ng pamahalaan ay minamandatuhan na sundan at gamitin ang Phil. Standard Time at sino po ang susundan natin… ang PAGASA,” pahayag ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
Maging ang mga may-ari ng pribadong television and radio stations ay sakop ng naturang batas at kinakailangang i-calibrate o ipareho ang kanilang time devices sa kanilang broadcast.
Ang National Telecommunications Commission (NTC) ang naatasan at may hurisdiksyon na magmonitor sa pagpapatupad ng nasabing batas.
Ang mga private TV at radio station na mapatutunayang lalabag sa bagong batas ay pagmumultahin ng mula P30,000 hanggang P50,000 sa unang paglabag.
Posible namang bawiin o makansela ang mga prangkisa ng isang istasyon ng radyo at telebisyon sa ikalawang paglabag. (Nel Maribojoc & Ruth Navales, UNTV News)