MANILA, Philippines — Bilang bahagi ng kanilang pagbisita sa bansa, tinuruan ng San Francisco Police Department ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa mga stratehiyang ginagamit ng United States Police pagdating sa law enforcement.
Kabilang sa itinuro ng delegasyon kung paano i-handle sitwasyon kung saan may lalakeng nagtali ng pampasabog sa katawan sa gitna ng maraming tao.
Ipinakita din ng grupo kung paano iligtas ang isang sugatang kasama matapos ang isang engkwentro sa pagitan ng mga pulis at bank robbers.
Ayon sa San Francisco Police, mahalaga ang ganitong pagsasanay upang maging handa sakaling malagay ang mga pulis sa isang aktwal na sitwayon.
Tinuruan din ng mga dayuhang pulis ang ating mga law enforcers ng mga taktika sa pagpapatrolya gamit ang bisikleta.
Ayon sa pinuno ng delegasyon na si Retired Lieutenant Eric Quema, nagagamit nila ang bike patrol sa surprise arrest gaya sa mga drug bust operations.
Marami na aniyang naaresto ang US Police gamit ang bike patrol. Bukod sa menos gastos dahil hindi nangangailangan ng gasolina, mabuti pa sa katawan dahil nakakapag-ehersisyo habang nagtatrabaho at epektibo sa police visibility.
Ayon kay Quema, mahusay na kombinasyon ang foot, bike at mobile patrol.
“Surprise arrest, it’s outstanding they can maneuver come in quietly and quickly. We do this in the US for drug bust.”
Hinggil naman sa problema ng bansa sa riding in tandem, para sa Filipino-American na si Quema malaking tulong ang increased patrol, pagdadagdag ng CCTV at malakas na ugnayan sa komunidad bilang katuwang ng mga awtoridad sa pangangalap ng impormasyon.
Aminado naman ang delegasyon galing Amerika na sa kanilang pagtuturo ay natututo din sila mula sa mga Pilipinong pulis.
Pahayag pa ni Quema “As a matter of fact, Philippines is advanced in community policing through community policing with tanods relationship with police — we haven’t reach that.” (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)