MANILA, Philippines — Arestado ang walong pinaghihinalaang miyembro ng Acetylene Gang sa Manggahan, Barangay Commonwealth, Quezon City nitong madaling araw ng Martes.
Nahuli ang grupo na sinasabing mula pa sa Benguet at Mt. Province habang naghuhukay sa loob ng isang paupahang bahay kalapit ng nanakawang pawnshop.
Ayon kay Senior Superintendent Procopio Lipana, chief directorial staff ng QCPD, matagal na nilang minamanmanan ang mga ito matapos makatanggap ng tip sa isang impormante.
Ayon sa opisyal, nangupahan ang mga suspek dalawang buwan na ang nakalilipas sa isang bahay na katabi ng Ochoa Pawnshop na target ng grupo.
“Nakakuha tayo ng additional info na nalaman natin na mage-execute sila ng pagpasok sa pawnshop nito at naaktuhan natin.”
Ayon kay Jenny Alvior, may-ari ng bahay na inupahan ng mga suspek, isang linggo pa lang ang mga ito sa kanilang lugar ay napapansin na nila ang ilang kahinahinalang kilos ng mga suspek.
“Iba-iba ang statement nila, tinatanong ko ang engineer kung san yung project nila, sabi sa Batasan, yung isa Montalban, nung tinanong ko ang isa Laguna daw, bakit hiwa-hiwalay ba ang inyong project, bakit dito kayo lahat nag-iipon-ipon,” kwento ni Alvior.
Dinakip ng pinagsanib na pwersa ng mga awtoridad na mula sa Maynila at Cordillera ang mga suspek.
Narekober sa mga ito ang ilang kasangkapan sa paghuhukay.
Istilo ng grupo ang mangungupahan sa isang bahay na katabi ng nanakawan nilang establisiyemento.
Magpapakilala umano ito na surveyor ng isang kumpanya at pag-aaralan lamang nila ang kanilang proyekto. (Jerico Albano / Ruth Navales, UNTV News)