MANILA, Philippines — Kontento ang National Association of Electricity Consumers for Reforms (NASECORE) sa isinagawang pagdinig ng Korte Suprema kaugnay sa usapin ng pagtataas ng singil sa kuryente ng Manila Electric Company (MERALCO).
Ayon kay NASECOR President Pete Ilagan, mismong ang korte na ang nagsasabi na dapat nang pumili ng pinakamurang supplier ang MERALCO upang maipasa sa mga consumer sa pinakamurang halaga.
“Kahapon ay binigyan tayo ng kaliwanagan ng Korte Suprema noong dini-discuss niya ang least cost kung ito nga ay ginampanan ng MERALCO,” pahayag nito.
Sinabi pa nito na dapat ay nasa dalawang piso lamang at hindi aabot sa limang piso per kilowatt hour (kwh) ang binabayarang generation charge ng mamamayan.
“Naniniwala tayo na ang presyo ng kuryente sa mga planta ay dapat ay less 50% na ang ibinaba mula doon sa presyo nila noon at hindi umaabot sa limang piso, anim na piso at siyam na piso kundi dapat ay naglalaro lamang sa P2-P3 lamang,” saad pa ni Ilagan.
Gayunman, nais pa ring maliwanagan ng NASECOR ang iba pang usapin sa susunod na pagdinig ng Kataas-taasang Hukuman sa susunod na buwan.
Pahayag pa ni Ilagan, “Inaasahan natin sa mga susunod na hearing na makikita natin ung kasagutan sa mga tanong na hindi nabibigyan ng kasagutan lalo na pano napi-presyuhan ang kuryente mula sa planta, pano ba ang blended rate, pano ang least cost.”
Umaasa din ang NASECOR na maibabalik ng MERALCO sa kanilang mga consumer ang nakolektang dagdag singil kapag pinaboran na ng korte ang kanilang petisyon.
Nilinaw ng NASECOR na malabong malugi ang isang utility dahil ginagarantiyahan ng batas na makabawi ang mga ito upang hindi maapektuhan ang kanilang serbisyo, subalit dapat isinasailalim din ito sa mandatory regulatory audit upang matiyak na hindi umaabuso o nagpapatupad ng over recovery na siyang nagpapahirap sa mga consumer. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)