MANILA, Philippines — Naniniwala ang hepe ng pambansang pulisya na hindi na kailangang ipatupad ang national ID system bilang solusyon sa lumalalang problema sa kriminalidad ng bansa.
Ayon kay PNP Chief Director General Alan Purisima, kung tutuusin aniya may national ID na ang Pilipinas subalit hindi lang ito nagagamit ng maayos.
“There’s nothing wrong with national ID. Nandiyan na, di lang natin masyadong ginagamit.”
Ayon sa opisyal, sa ngayon ay ginagawa ng pulisya ang lahat ng paraan upang matugunan ang problema sa kriminalidad.
Isang paraan umano dito ang 24/7 checkpoint operations kontra sa riding in tandem criminals at loose firearms.
Sa kabila nito, aminado ang pulisya na mahirap kalaban ang isang desididong kriminal.
Pabor naman si Purisima sa panukala ng Anti Cybercrime Group (ACG) na kailangang irehistro na ang mga sim card na nagagamit sa iligal na aktibidad. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)