MANILA, Philippines — Sa kabila ng mga dokumentong iprinisinta, muling itinanggi ni Davidson Bangayan na siya ang umano’y big time rice smuggler na si David Tan.
Sa pagdinig ng Senado kanina, ipinakita ng negosyanteng si Jess Arranza ang affidavit ni Bangayan na nagsasabing siya si David Tan.
May kinalaman ang affidavit sa kasong libelo na isinampa ni Bangayan laban kay Arranza at Senador Juan Ponce Enrile noong 2005.
Ngunit nagprisenta din ng dokumento si Bangayan upang ito’y pasinungalingan.
Dahil dito, ipinakuha ni Justice Secretary Leila De Lima sa opisina ng city prosecutor ng Maynila ang mga orihinal na records ng kaso kasama na ang affidavit ni Bangayan.
Ayon sa kalihim, “Nagtutugma yung kopya ni Mr. Arranza dun sa records ng city prosecutor. Hindi ko alam kung ano yung pinakita nila Davidson Bangayan kung pareho bang dokumento yun, mukhang pareho lang.”
Ipinakita pa ni Arranza ang certification ng kliyente ni Bangayan sa Singapore na nakalagay din na si Davidson Bangayan ay kilala rin bilang David Tan.
“Ibig pong sabihin kahit yung mga ka-transaksyon niya sa Singapore kilala siya as David Tan? pati yung nag-file sa kanya ng kaso na parang na-onse niya daw na taga-Singapore na tinulungan, Davidson Bangayan din at alyas David Tan ang nakalagay,” pahayag ni Arranza.
Sa ngayon ay dalawang testigo pa ang hawak ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagsasabing iisang tao lang si Davidson Bangayan at David Tan.
Tumanggi namang magsalita pa tungkol sa isyu si Bangayan at agad na umalis matapos ang pagdinig ng senado. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)