MALOLOS CITY, Philippines — Pinangunahan ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang pagtaas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak sa harap ng monumento ni General Emilio Aguinaldo kaugnay sa pagdiriwang ng ika-115 anibersaryo ng pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas sa makasaysayang Barasoain Church sa Malolos, Bulacan, ngayong Huwebes.
Kabilang sa mga dumalo sa pagdiriwang sina National Historical Commission of the Philippines Executive Director Ludovico Badoy, Bulacan Governor Wilhelmino Sy Alvarado at Malolos Mayor Christian Natividad.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Chief Justice Sereno ang kahalagahan ng pagalaala sa mga bayaning nagbuwis ng buhay upang maitatag ang Unang Republika ng Pilipinas noong Enero 23, 1899.
Ayon pa sa Punong Mahistrado, mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng Korte Suprema upang protektahan at pangalagaan ang konstitusyon ng Pilipinas.
Bahagi rin ng selebrasyon ang isinasagawang ‘Dulunsangan’ na isang patimpalak sa pagsasadula ng kasaysayan ng bansa.
Kabilang sa mga lumahok ang 18 bayan sa lungsod ng Malolos kung saan tatanggap ng tatlong daang libong piso ang mananalo. (Nestor Torres / Ruth Navales, UNTV News)