MANILA, Philippines – Umakyat na sa mahigit tatlong libo ang naitalang krimen ng riding in tandem criminals sa buong bansa noong nakaraang taon.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), ang nasabing bilang ay 9% lamang sa total crime volume noong nakaraang taon.
Batay sa pagaaral ng pulisya, lumalabas na magkakaiba ang istilo ng riding in tandem criminals sa iba’t ibang rehiyon.
“There are peculiarities… NCR robbery, Pro 1 shooting incidents. Meaning there should be adjustment on major strategies geographical area,” pahayag ni Police Sr. Supt. Benigno Durana, hepe ng Law Enforcement Division.
Dahil sa pagdami ng krimen na gawa ng riding in tandem criminals, balak ipatupad ng pulisya ang ilang stratehiya na nakikita nitong epektibo sa pagsawata ng krimen sa ibang lugar tulad ng paglalagay ng sticker sa motorsiklo.
Balak din ng pulisya na ipadala na mismo sa mga nagpapatrolya at mga nagmamando ng checkpoints ang kopya ng litrato ng mga suspek sa nakalipas na mga krimen.
Sa ganitong paraan aniya ay mas mabibigyang direksyon ang operasyon ng pulisya.
“When you book a suspect kasama pagkuha ng picture ida-download mo lang yun sa gallery which is available online so ipi-print mo lang yun makukuha ka ng pictures ng mga taong involve sa riding in tandem crimes.”
Dagdag pa ni Durana, “Magpapatrol ka sasabihin sa iyo ng commander, Gentlemen patrol ito hahanapin para may direksyon. Iba tinamad kasi wala direction.”
Nanindigan ang pamunuan ng pambansang pulisya na mananagot ang mga pulis na malulusutan ng riding in tandem criminals.
“Answerable for neglect of duty… Answerable for lapses.”
Nauna rito, ilang panukala na rin ang inilabas ng PNP upang mapigil ang paglala ng krimen na kinasasangkutan ng mga riding in tandem criminals gaya ng pagsusuot ng vest na may plate number, ang pagbabawal ng magka-angkas sa motorsiklo at pagbabawal ng pagsusuot ng helmet na mariin namang tinututulan ng maraming motorista. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)