MANILA, Philippines — Isinusulong ni Assistant Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III ang pagbuhay ng Republic Act 7659 o Death Penalty Law sa pamamagitan ng lethal injection.
Sa Senate Bill 2080 o “An Act imposing death penalty in the Philippines”, nais ni Sotto na i-repeal o ipawalang bisa ang RA 9346 o “ ”An Act Prohibiting the Imposition of Death Penalty in the Philippines.”
Ayon sa pahayag ng senador, nakababahala na ang heinous crimes na nangyayari sa bansa sa kasalukuyan.
Ang mga brutal na krimen na nangyayari sa bansa ay hudyat aniya upang magpatupad ang pamahalaan ng ultimate criminal penalty sa ilalim ng konstitusyon.
“The indiscriminate and horrendous brutality happening everywhere rightfully and justifiably compels the government to resort to the ultimate criminal penalty provided for by no less than our constitution — the death penalty,” pahayag ni Sotto.
Samantala, hindi naman kumbinsido si Senador Sonny Angara sa muling pagbuhay sa parusang kamatayan.
Aniya, “Ilang taon lang yung pag-abolish ng death penalty at naalala natin noong may batas tayo sa death penalty, hindi rin ini-implement ng Supreme Court dahil nakakahanap sila ng yung tinatawag na mitigating circumstance para life imprisonment na lang or reclusion perpetua.”
Ayon pa kay Angara, dapat ay palakasin at tutukan ang kasalukuyang umiiral na mga batas sa pamamagitan ng mga ahensyang inatasang magpatupad nito.
“Tingnan muna natin yung implementasyon ng current na batas dahil ang direksyon nga ng ibang bansa ay wala ng death penalty at mag-focus tayo sa pagpapalakas ng ating law enforcement institutions.”
Matatandaan na pinawalang bisa ang death penalty noong 1987 subalit muling binuhay noong 1993 at pitong tao ang namatay sa pamamagitan ng lethal injection.
Noong 2006, nilagdaan naman dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang isang batas upang tuluyang ibasura ang parusang kamatayan sa bansa.(Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)