ZAMBOANGA CITY, Philippines — Nanawagan ang Zamboanga City government sa mga mamamayan na huwag basta maniniwala sa kumakalat na text messages na umano’y muling sisiklab ang kaguluhan sa siyudad matapos na malagdaan ang huling annex sa Bangsamoro peace agreement sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Sabado.
“There are text messages that are being passed from one person to another, but the advice of the city local government is not to pass it on to the other people,” pahayag ni Zamboanga City Administrator Antonio Orendain, Jr.
Batay sa inilabas na public advisory ng city government, pinapayuhan ang mga Zamboangeño na i-report agad sa mga awtoridad ang anomang text message ng pananakot at pagbabanta na matatanggap sa pamamagitan ng pagtawag sa PNP hotlines na 117 at 166.
Pinapayuhan rin ang publiko na huwag nang ipasa pa sa iba ang mga negatibong text messages upang hindi mangamba ang marami.
Sa ngayon ay naghigpit na ng seguridad ang Zamboanga-PNP, habang inaalam kung sino ang nagpapakalat ng nasabing mga text messages.
“Yung regional director natin si RD Vaǹo strongly reiterates sa mga provincial directors to intensify their operations against lawless elements and to closely supervise yung mga tao nila to ensure na yung presence talaga ng mga pulis natin ma-feel ng community,” saad pa ni Orendain.
Samantala, marami naman sa mga Zamboangeño ang gustong maibalik ang curfew para na rin sa seguridad ng mga mamayan nito.
Ayon kay Luisito Acuño, “Ok ako na magkaroon ng curfew, para yung mga masamang tao na may balak silang pumasok, nakaalert din ang military, nakahanda din sila at hindi kami naman maging nangyari na na-hostage.”
“Mas gusto ko po na ibalik po yung curfew kasi dito po sa lugar namin isa po ito sa mga lugar kung saan dumadaan ang mga rebelde. Upang makaiwas po tayo dapat po magkaroon tayo ng curfew tuwing gabi,” saad naman ni Roi Lopez, isa sa mga residente sa Talon-talon, Zamboanga City.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa publiko na maging mapagmatyag at mahinahon sa gitna ng mga kumakalat na pananakot. (Dante Amento / Ruth Navales, UNTV News)