Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Maguindanao Mayor, nanawagan sa BIFF na tigilan na ang pakikidigma

$
0
0
Shariff Aguak Mayor Bai Zahara Ampatuan (UNTV News)

Shariff Aguak Mayor Bai Zahara Ampatuan (UNTV News)

DAVAO CITY, Philippines — Nanawagan si Shariff Aguak Mayor Bai Zahara Ampatuan sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na dalhin sa tamang pagtitipon ang kanilang mga hinaing at huwag daanin sa pakikidigma.

Ang bayan ng Shariff Aguak ay ilang kilometro lamang ang layo sa bayan ng Rajah Buayan kung saan nagaganap ang sagupaan ng BIFF at tropa ng pamahalaan.

“Tigilan na yang gulo na yan dahil maawa kayo sa mga sibilyan na nadadamay diyan, kung meron man kayong gustong ipahiwatig sa mga kapatid natin sa MILF o sa gobyerno isa ako doon sa pwede ninyong utusan na mamagitan sa inyo magkaisa na lang tayo,” panawagan ni Ampatuan.

Samantala, patuloy pa rin ang bakbakan hanggang sa kasalukuyan ayon sa pamunuan ng 6th Infantry Division ng Philippine Army.

Nilinaw naman ni Col. Dickson Hermoso, tagapagsalita ng 6th Infantry Division na walang kaugnayan ang nangyayaring giyera ngayon sa paglagda sa huling annex ng frame work agreement ng Bangsamoro noong Sabado sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Aniya, “Baka magkaroon ng mis-impression na mayroong relation yan dun sa recently signed normalization annex last Saturday hindi po yung law enforcement operation ng kapulisan ng Maguindanao ay walang let up continue dahil marami silang ginawang krimen in the past.”

Sinabi pa ni Hermoso na malaking tulong ang isinasagawang negosasyon ng MILF at pamahalaan dahil nakakatulong na nila ngayon ang grupo at maging ang mga MNLF sa Maguindanao sa pagtugis sa mga miyembro ng BIFF.

Tiniyak rin aniya ng dalawang grupo na hindi makakapasok ang mga BIFF members sa kanilang mga controlled areas.

“Kasama namin sila dito nagba-block sila at sinisiguro yung mga MILF communities.”

Dagdag pa ni Hermoso, “Yes, even the MNLF they don’t allow the entry of this BIFF in their communities.”

Samantala, agad na ring nagpadala ng tulong para sa libu-libong evacuee na apektado ng sagupaan   ang regional government ng ARMM at provincial government ng Maguindanao.

Sa pinaka-huling ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP), 37 miyembro na ng BIFF ang nasawi sa pakikipagsagupa nito sa security forces sa Maguindanao, habang isang sundalo ang napatay.

Batay naman sa inilabas na datos ng Regional Disaster Management Office ng ARMM, aabot na sa anim na bayan o 22 barangay sa Maguindanao ang apektado ng labanan.

Umabot na rin sa 3,153 mga pamilya o 18,425 indibidwal ang internally displaced o inilikas dahil sa kaguluhan. (Louell Requillman / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481