MANILA, Philippines – Tatlong prosecutors ang itinalaga ng Department of Justice (DOJ) upang humawak sa mga kasong may kaugnayan sa pambubugbog kay Vhong Navarro.
Kabilang sa mga itinalaga sa kaso sina Assistant State Prosecutors Olivia Torrevillias, Assistant State Prosecutor Hazel Decena-Valdez at Assistant State Prosecutor Marie Elvira Herrera.
Pawang kababaihan ang tatlong miyembro ng panel na magsasagawa ng preliminary investigation sa mga kasong isinampa ng TV host-actor na kinabibilangan ng serious illegal detention, serious physical injuries, illegal arrest at blackmail.
Kaugnay nito ay inilagay na sa look out bulletin ng Bureau of Immigration (BI) sina Cedric Lee, Deniece Cornejo at iba pang may kaugnayan sa nangyaring pambubugbog kay Navarro.
Sinabi ni Justice Secretary Leila De Lima na hiniling ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng kampo ni Navarro na bantayan ang posibleng pag-alis ng bansa ng mga respondent.
Kasama ring pinamo-monitor ang pagbili ng mga ito ng ticket sa eroplano.
Una nang napabalita na nakapag-book ng flight sina Cedric Lee at Deniece Cornejo patungong Singapore sa February 8.
“I think may capacity yung ibang respondents especially Mr. Cedric Lee to try to evade the processes of our criminal justice system,” saad ni De Lima.
Samantala, inaalam na ng BIR kung nagbabayad ng tamang buwis ang negosyanteng si Cedric Lee.
Nilinaw naman ni Immigration Commissioner Kim Henares na hindi umano ibig sabihin na talagang may problema na ito sa pagbabayad ng buwis.
Natural lamang umano sa BIR na mag-imbestiga sa mga taong nasasangkot sa kontrobersiya.
Ani Henares, “The reason lang naman why we are looking at Cedric Lee is because he mentioned that he is a refutable businessman, that he owns all these companies, so we have to satisfy our curiosity, or if there is a suspicion, we have to satisfy that suspicion na walan naman talaga.”
Interesado ang BIR kay Lee dahil kasama nito sa mga negosyo ang supplier ng PNP Tyrone Ong na una na nilang sinampahan ng tax evasion.
“In a lot of his business, he has for his colleague a person we filed a tax evasion case against, Mr. Tyrone Ong, it’s interesting for us to find out the right taxes or not, given the company he keeps,” dagdag ni Henares. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)