MANILA, Philippines — Plano ng Department of Science and Technology (DOST) na magkaroon ng isang advisory system ukol sa storm surge.
Sa naturang panukala, magkakaroon ng tatlong uri at antas ng storm surge advisory na ilalabas 48-oras bago ang inaasahang pananalasa nito.
Itataas ang unang babala kung aabot sa dalawang metro ang taas ng storm surge sa apektadong lugar;
Storm surge advisory number 2 naman kung limang metro ang taas ng tubig, habang advisory number 3 naman ang ilalabas kung mahigit sa limang metro ang storm surge.
Inaasahang makukumpleto ang detalyadong mapa ng mga lugar na maaaring tamaan ng storm surge sa Setyembre o bago matapos ang taon.
Matatandaang bukod sa libu-libong nasawi, nag-iwan ng matinding pinsala ang storm surge sa Tacloban City at iba pang lugar na dinaanan ng Bagyong Yolanda noong nakaraang Nobyembre 2013. (UNTV News)