Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

80,000 Filipino seafarers, nanganganib na mawalan ng trabaho

$
0
0

FILE PHOTO: Isang barkong pangkomersyo na nakadaong sa pantalan sa Hamburg, Germany. (ACE VILLAMORE / Photoville International)

MANILA, Philippines — Nanganganib na mawalan ng trabaho ang nasa 80-libong Filipino seafarer kung hindi papasa sa standard ng European Maritime Safety Agency (EMSA) ang mga maritime training school sa bansa.

Sa darating na Abril ay muling babalik sa Pilipinas ang mga tauhan ng EMSA upang muling magsagawa ng inspeksyon sa mga maritime training school.

Sa pagkakataong ito, kapag hindi pa nakapasa sa standards ng EMSA ang mga maritime training school ay mapipilitan na ang European Union (EU) na i-ban ang mga Pinoy seafarer sa mga bansang nasasakupan nito.

Kaalinsabay nito, ipinanukala ni Senator Franklin Drilon ang Senate Bill No. 2043 na naglalayong bumuo ng isang maritime administration sa pamamagitan ng Maritime Industry Authority (MARINA) para sa training at pagbibigay ng certification ng mga seafarer.

Ayon kay Drilon, kailangang maaksyunan ang naturang panukalang batas upang maiwasan ang napipintong ban sa mga Filipino seaman.

Sa ngayon, ang Professional Regulation Commission (PRC) ang nagbibigay ng lisensya sa mga seafarer.

Ngunit kapag naipasa na ang panukalang batas, ang MARINA na ang magbibigay ng lisensya sa mga seaman.

Sa kabila nito, sinabi ni Engr. Nelson Ramirez ng United Filipino Seafarers (UFS) na hindi nito masusulusyunan ang tunay na problema sa industriya.

Paliwanag nito, “Yung sinasabi niya na ilipat ang licensure examination magmula sa PRC papuntang MARINA, mabibigyan na tayo ng maraming problema, hindi na natin kailangan ng ban sa European Union dahil ang pag-isyu pa lang ng certificate aabutin ng dalawang taon at walang ship owner na maghihintay ng marinong Pilipino ng dalawang taon para matapos lang ang dokumento.”

Sinabi din ni Ramirez na hindi man lamang nagkakaroon ng konsultasyon at malayang talakayan upang masolusyunan ang problema.

Samantala, kapag natuloy ang ban ay hindi lamang mga Filipino seaman ang maaapektuhan kundi maging ang ekonomiya ng bansa.

Batay sa report ng Bangko Sentral ng Pilipinas noong 2012, umabot ng limang bilyong dolyar ang remittances mula sa mga kababayan nating seafarer.(Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481