MANILA, Philippines — Pinuna ng Commission on Human Rights (CHR) ang ginawang pagbabanta ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa itinuturong umano’y bigtime rice smuggler na si Davidson Bangayan sa isinagawang pagdinig ng Senado nitong Lunes.
Ayon kay CHR Chairperson Etta Rosales, masamang ehemplo ng isang opisyal ng pamahalaan ang ipinakikita ng alkalde.
“How he been portraying him as a mayor doesn’t he invite vigilantism? By saying papatayin ko sya… He is nurturing vigilantism; the law enforcer who doesn’t know better may say ok lang pala na pumatay.”
Sinabi pa ni Rosales na dapat ay inaksyunan kaagad ng mga senador ang ginawang pagbabanta ni Duterte dahil hindi nito iginagalang ang institusyon.
“In the senate you should behave in the quorum, igalang mo yung institusyon mismo at yang institusyon na yan ay sagrado dapat para sa taongbayan dahil yan ang lumilikha ng mga batas para gumabay sa governance.”
Sinabi pa ni Rosales na dudulog sila sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan kabilang na ang Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa inasal ni Duterte na posibleng may nalabag ito sa code of ethics.
Ang panibagong banta ni Duterte ay isinama na ng CHR sa mga iniimbestigahang pahayag ng alkalde tulad ng “shoot to kill order” laban sa mga kriminal noong 2013, at “leave Davao or I’ll kill you” noong buwan ng Enero.
“We will write a letter on a committee on ethics sa Senate that this is disturbing at sa DILG because of his words and actually sending it to the Ombudsman,” pahayag pa ni Rosales. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)