MANILA, Philippines — Iimbestigahan na ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang usapin kaugnay sa P200 million scam ng sibuyas at bawang at iba pang agricultural products sa bansa.
Ang gagawing imbestigasyon sa smuggling ng sibuyas at bawang ay batay sa Resolution 341 ni Dasmariñas City Congressman Elpidio Bargaza.
Sa kanyang resolusyon, sinabi ni Barzaga na isang malaking tanong na dapat na masagot kung sino si ‘Leah Cruz’ na minomonopolya umano ang importasyon ng bawang at sibuyas sa bansa.
Ayon sa kongresista, ginagamit umano ni Cruz ang kanyang mga drivers, clerks at kasambahay bilang dummy sa mga korporasyon na ginagamit nito sa garlic at onion smuggling.
“Hindi lamang sa kongreso may ‘Janneth Napoles’ pati sa Bureau of Plant Industry ay mayroon ding Napoles na gumagamit ng pekeng NGO para makakuha ng import permit sa pagiimport ng sibuyas at bawang.”
Dalawang linggo mula ngayon ay sisimulan na ng komite ang pagdinig at iimbitahan sina Leah Cruz, Bureau of Plant and Industry Director Clarito Barron, asosasyon ng mga mag-gugulay at ang kalihim ng Department of Agriculture.
“Palalawakin ang imbestigasyon sa other agri products na inaakala ng mga miyembro na meron ding mga possible problem, anomaly o smuggling,” pahayag ni Cong. Oscar Rodriguez, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
Kabilang rin sa mga sisiyasatin sa gagawing pagdinig ang umano’y pagkikipagsabwatan ng iba pang ahensiya ng gobyerno sa smuggling ng ibang agri at meat products. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)