Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Quezon City government, handing idipensa sa Korte Suprema ang pangongolekta ng garbage fees at socialized housing tax

$
0
0

GRAPHICS: Ang garbage collection fee sa QC ayon sa iba’t-ibang sukat ng lupa. (UNTV News)

MANILA, Philippines — Kumikilos na ang legal team ng Quezon City government upang sagutin ang temporary restraining order na inilabas ng Supreme Court 3rd Division kaugnay ng garbage collection fees sa mga residente.

Ayon kay Quezon City Treasurer Edgar Villanueva, ipinag-utos na ni Mayor Herbert Bautista sa kanilang mga abogado na idipensa ang dalawang ordinansa na kinabibilangan ng pangongolekta ng garbage fees at ang socialized housing taxes sa lungsod.

Sa kabila nito, sinabi ni Villanueva na agad nilang ipinatigil noong Biyernes ang pangongolekta nito bilang pagsunod sa kautusan ng kataas-taasang hukuman.

Sinabi pa ni Villanueva na kulang na kulang ang budget ng lungsod para sa mga proyekto kaya’t makababawas sana sa kanilang gastusin ang ibinabayad sa garbage collection fee na aabot sa P55 million hanggang P65 million kada taon.

Base sa ipinatutupad ng pamahalaang lungsod, nasa P100-P500 lamang ang kokolektahin sa bawat tahanan para sa garbage collection fee sa loob ng isang taon depende sa laki ng land area.

Iginiit pa ng opisyal na nadamay din ang proyekto ng lungsod para sa mga informal settlers dahil sa pagpapatigil din ng Supreme Court sa paniningil ng socialized housing tax.

Base sa 2011 ordinance, papatawan ng .5 percent annual realty tax ang mga property na may P100,000 ang halaga na mapupunta naman sa pagpapagawa ng mga bahay para sa mga squatter sa lungsod.

“Hanggang sa 5 years lang, pero yung 6-10 ay ibabalik na sa kanila,” ani Villanueva.

Ipinagmalaki naman ng Quezon City government ang kanilang mga proyektong nasimulan na mula sa sinisingil na socialized housing tax.

Kabilang dito ang Bistekville 1 sa Brgy. Payatas at Bistekville II sa Brgy. Kaligayahan, Novaliches na nakumpleto na noon pang Enero 2013.

Habang apat pang pabahay ang kinukumpleto kabilang ang Bistekville III sa Brgy. Escopa II sa Proj. 4, Bistekville IV sa Brgy. Culiat, Bistekville V sa Brgy. Payatas, Bistekville VI sa Brgy. North Fairview, Bistekville VII sa Brgy. Escopa III sa Proj. 4, at Bistekville VIII sa Brgy. Bagbag Novaliches.

Sa nasabing proyekto, inaasahang bababa sa P150-libo ang mga informal settlers sa lungsod mula sa 190-libo na bilang ngayon.

Matatandaang, naglabas ng temporary restraining order ang Supreme Court sa nasabing mga ordinansa  matapos na kwestiyunin ng isang residente ang legalidad nito. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481