MANILA, Philippines — Isang panibagong dagdag singil sa kuryente ang nakaambang ipataw ng Manila Electric Company sa mga consumer nito.
Ito ay kung pagbibigyan ng Energy Regulatory Commission ang MERALCO na masingil sa mga consumer ang labing apat na bilyong pisong utang nito sa National Power Corporation (NAPOCOR).
Kaugnay ito ng labing anim na pahinang desisyon na inilabas ng Korte Suprema hinggil sa kaso ng MERALCO at NAPOCOR.
Ayon kay Atty. Francis Juan, ang tagapagsalita ng ERC, ipinapaubaya na nito sa Energy Regulatory Commission kung pahihintulutan ang pass thru provision na hinihiling ng MERALCO.
“Nagkaroon na nga ng settlement agreement sila at ito ay ipinasa sa ERC ng sa ganun ay appovan dahil kung anoman ang dapat bayaran ng MERALCO sa NAPOCOR ay hinihiling nila under the terms of the settlement agreement na maipasa ng MERALCO sa kanyang mga customer.”
Subalit ayon sa ERC, hindi ito ang panahon upang maaprubahan ang pakiusap ng MERALCO lalo na at hindi pa natatapos ang kaso ng power rate hike adjustment na na-TRO ng Korte Suprema.
At kung sakali namang maaprubahan, tiniyak ng ERC na gagawin nila ang lahat upang hindi ito makabigat sa taong bayan.
“Kung masyadong magiging malaki ang impact nito sa singil maaari namang ito ay mautay-utay,” pahayag ni ERC Spokesman Atty. Francis Juan.
Samantala, nagpahayag naman ng pagtutol ang ilang militanteng grupo sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isang noise barrage sa tapat ng isang Bayad Center ng MERALCO.
Bitbit ang mga placard, sabay-sabay na sumigaw ang mga raliyista upang tutulan ang umano’y pang-aabuso ng MERALCO at pagbibingi-bingihan ng pamahalaan sa iba’t ibang isyu na nakapalibot sa sektor ng enerhiya.
“Hndi na po kaya ng mga consumer na ipapataw nila ang kanilang dagdag singil sa kuryente,” pahayag ni Bernadette Andales, ang Chapter Leader ng grupong Gabriela.
Bukas (Martes), isang kilos protesta ang muling isasagawa ng mga militanteng grupo kasabay ng nakatakdang oral arguments hinggil sa power rate hike adjustment sa Korte Suprema. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)