MANILA, Philippines — Sugatan ang isang 19 anyos na lalaki nang banggain ng isang SUV ang minamaneho nitong motorsiklo sa General Luis Ave., Novaliches, Quezon City, alas 8:45 noong Linggo.
Agad na nilapatan ng paunang UNTV News and Rescue Team ang mga tinamong gasgas sa katawan ng biktimang si Darwin Sumande at pagkatapos ay agad itong dinala sa Quezon City General Hospital.
Nagkaroon din ng malaking hiwa sa noo, kilay at ilong ang angkas nito sa motorsiklo na si John Quimpo na dinala naman ng Department Of Public Order & Safety (DPOS) sa ospital.
“Ang nangyari diyan tumatakbo sila papauwi sila ngayon may kabuntot silang adventure na puti natumbok sila pagkakatumbok sa kanila tumilapon silang dalawa iniwanan naman ng Adventure,” pahayag ng imbestigador na si Andres Gloria.
Samantala, nilapatan rin ng pang-unang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang mga tinamong sugat at galos ng mga pasahero ng isang tricycle na sumalpok sa isa pang sasakyan sa Purok Uno, Brgy. Parian maghahating-gabi noong Linggo.
“Itong Ford Piera nakapasok sa gitna sa linya ng motor, itong motor kapag nakarekta mahirap ng lumiko,” saad ni PO2 Ulyssis Santiago, Calamba PNP Investigator.
“Pumasok siya bigla, di na kami nakapag-menor,” pahayag naman ng pasahero ng tricycle na si Mark Anthony Olaviaga.
Agad nadinala ng mga barangay tanod ang driver ng Ford Piera na walang lisensiya habang isinugod naman sa ospital ang driver ng tricycle na nagtamo ng malubhang bali sa braso.
Nagtamo naman ng sugat sa kaliwang dibdib si Junrel Ligama, 24 anyos, matapos mabaril ng di pa nakikilalang suspek sa Hoops D0me, Lapu-Lapu City, alas-8 gabi, Linggo.
Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang biktima at dinala sa Vicente Sotto Mem0rial Medical Center. (Jerico Albano / Ruth Navales, UNTV News)