Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

El Niño phenomenon, posibleng maranasan sa 3rd quarter ng taon — PAGASA

$
0
0

Isang epekto ng El Nino Phenomenon ay ang matagal at matinding init ng panahon. FILE PHOTO: The drying out of Lake Eucumbene, 150 km (93 miles) south of the Australian capital Canberra Photo: REUTERS

MANILA, Philippines — Posibleng maranasan sa bansa ang El Niño phenomenon sa ikatlong bahagi ng taon.

Ayon kay PAGASA Forecaster Jori Lois, posibleng mas kakaunti ang mga ulan mula sa buwan ng Hulyo hanggang Setyembre.

Paliwanag nito, “Sa ngayon kasi naglalaban yung neutral condition saka El Niño. Although yung El Niño mas malaki yung percentage kesa doon sa neutral pero pwede pa mag-neutral hanggang sa buong taon.”

Noong taong 1982 – 1983 nakaranas ang bansa ng tag-tuyot kung saan naapektuhan nito ang malaking bahagi ng Luzon, Negros Occidental at Iloilo.

Umabot sa P38 million ang insurance claim sa mga napinsalang palayan at maisan habang nasa P316 million naman ang nalugi sa hydro power generation.

Noong 1986-1987, umabot naman sa P47million ang pinsala sa Luzon, Central Visayas at Western Mindanao, habang nasa P671 million ang hydro power generation loss dahil sa tagtuyot.

Halos 300-libong ektarya ng palayan at maisan naman ang naapektuhan noong 1989-1990, habang nasa P348 million naman ang nalugi sa hydro power generation.

Kinulang naman ang Metro Manila ng 20% ng supply ng tubig noong 1991-1992, habang mahigit sa 4 na bilyong piso ang naitalang pinsala sa agrikultura.

Nakaranas naman ng tagtuyot ang 70 porsyento ng bansa noong 1997-1998, at umabot sa P3 billion ang pinsala sa palay at mais maliban pa sa kakulangan ng tubig at mga sunog sa kagubatan.

Dahil dito, isa sa binabantayan ngayon ng PAGASA ang tubig sa Angat Dam.

Ayon kay PAGASA Hydrologist Richard Orendain, sa ngayon ay nasa 201 meters ang lebel nito, mababa ng walong metro kumpara noong nakaraang taon.

“Eto sa Angat lang binabanggit ko, mataas siya ng 8 meters last year. So kailangan siguro natin na umpisahan muna natin na magtipid na muna sa pagkonsumo ng tubig nang sa gayun ay umabot tayo sa pagdating ng summer.”

Pagkatapos ng isang buwan ay tinatayang bababa pa ang lebel nito sa 195.51 meters kaya’t ngayon pa lamang ay hinihikayat na ang publiko na magtipid sa tubig.

“In the coming 60 days kung talagang 0 yung rainfall natin medyo maaalangan yung supply ng tubig natin pero sa ngayon mahirap pang i-predict dahil may mga pagulan pa rin na mararanasan,” ani Orendain.

Ang Angat Dam ay pangunahing pinagkukunan ng tubig ng daang libong ektarya ng palayan sa Bulacan at mga karatig lugar.

Dito rin kinukuha ang supply ng tubig sa Metro Manila at ito rin ang nagpapatakbo sa isang hydro power plant. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481