MANILA, Philippines — Isasailalim ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa preventive suspension ang Nova Bus Transport dahil sa mga iregularidad.
Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Roberto Cabrera, natuklasan sa isinagawang inspeksyon sa terminal nito sa Caloocan City na tatlong bus unit ang hindi nagtutugma ang plate number at chassis number.
Ayon kay Cabrera, dapat ay pareho ang plate number ng isang bus sa chassis number nito bilang katunayan na sumusunod ito sa regulasyon ng ahensya.
Kailangan din aniyang magpasa muna ng aplikasyon ang isang bus company sa kanilang tanggapan kung magpapalit ng chassis ng kanilang mga sasakyan.
“Wala pang five minutes nalaman na agad natin na iba yung plate number at chassis number dun po sa engine ng chassis number na registered po sa amin, most likely may illegal use of chassis or illegal transfer of chassis and engine or illegal use of plate number,” pahayag nito.
Siniguro ng LTFRB na syamnapung porsyento ng mga aplikasyon na nasa kanila ay natutugunan naman ng kanilang tanggapan.
Bibigyan naman ng pagkakataon ng LTFRB ang Nova Bus Transport upang makapagpaliwanag hinggil sa mismatch ng chassis at plate number.
Samantala, iginiit naman ni Carmelo Lagura, Garage Manager ng Nova Bus Transport na mayroong mali sa ginawang inspeksyon ng LTFRB.
Paliwanag nito, “Talagang mali, ang nakuha nila kasi yung left side ang correct yung right side (07:50:33) dalawang number yan, yung production at chassis number ang nakuha nila ay yung production number sa Isuzu.”
Kamakailan lamang, natuklasan na lima rin sa mga bus ng Florida Transport ang hindi nagtugma ang chassis at plate number kabilang na ang bus na nahulog sa Bontoc, Mt. Province na ikinasawi ng labing apat na pasahero.
Bukod dito, marami ring sumbong ang nakakarating sa LTFRB na masyadong mabilis magpatakbo ang mga driver ng Nova Bus.
Ang Nova Bus Transport ay isa sa mga sister company ng Don Mariano Bus Transit na nasangkot sa aksidente sa Skyway kung saan 22 ang namatay.(Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)