MANILA, Philippines – Hindi sang-ayon ang Philippine National Police-Anti Illegal Drugs Operation Task Force (PNP-AIDSOTF) na gawing legal ang marijuana bilang medisina.
Ayon kay PNP-AIDSOTF legal officer Chief Insp. Roque Merdegia Jr., mas lalala ang problema sa marijuana sa bansa kung magiging legal ang paggamit nito kahit bilang medisina lamang.
“We support the stand of drugs board na kailangan pa talagang pag-aralan, kailangan pa talaga ng eksperimento, mga ebidensya doon sa medical use ng marijuana.”
Maging si Philippine College of Physician Vice Pres. Dr. Leandro Leachon ay hindi sang-ayon sa panukala dahil wala pa aniyang konkretong pag-aaral na nakagagaling ito ng sakit, at marami din itong side effects.
“Kasi kung higit yung danger kaysa sa benepisyo, bakit mo naman ibibigay sa tao ito,” pahayag ni Dr. Leachon.
Maging ang mga ordinaryong mamamayan ay hindi sang-ayon na gawing legal ang paggamit ng marijuana kahit sa ano pa mang kadahilanan.
Katwiran nila, tiyak na tataas ang bilang ng krimen kapag ginawang legal ang paggamit nito.
“Hindi po kasi maraming masisirang kabataan,” mariing pagtutol ni Esperanza Gargar.
Ayon naman kay Boy, “Mas lalala po ang krimen.”
Ang panukalang paggamit ng marijuana bilang medisina ni Isabela Rep. Rodolfo Albano III ay umani na ng maraming batikos, hindi pa man ito naihahain sa kongreso. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)