MANILA, Philippines – Naghahanda na ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pagbibigat sa daloy ng trapiko sa Osmeña Highway sa Buendia kaugnay ng pagsisimula ng konstrusyon ng Skyway Project 3.
Inilatag na din ng ahensya ang alternatibong ruta na maaaring daanan upang makaiwas sa mabigat na dalor ng trapiko.
Sa mga manggagaling ng South Luzon Expressway (SLEX), maaaring magexit sa Magallanes o di kaya’y dumaan sa Don Bosco o Amorsolo sa halip na magexit sa Buendia off-ramp.
Ayon sa MMDA, maglalaan sila ng 50 traffic enforcers na ikakalat sa construction site upang makatulong sa pagpapaluwag sa daloy ng mga sasakyan.
Ang center island at dalawang inner lane sa southbound ng Osmeña Highway sa pagitan ng F. Torres st. st Arellano Avenue ang gagamitin sa construction, ibig sabihin mayroon pa ding tig-tatlong lane na matitira na maaaring madaanan ng mga motorista.
“Ang mangyayari sa Edsa, mayroong projected na 55% ng nagtravel sa Osmeña Highway ang lilipat sa EDSA, lilipat dun kasi 2 lanes ang alisin mo sa Osmeña,” ani MMDA Chairman Francis Tolentino.
24/7 naman ang construction sa road infrastructure project, ibig sabihin walang araw na hindi tatrabahuhin ang naturang proyekto.
Pagaaralan naman ng MMDA kung ano ang magiging bunga nito sa loob ng isang linggo upang maipatupad ang ilang sistema na napagkasuduan sa Metro Manila Traffic Management Summit.
Isang halimabawa dito ay ang truck delivery starting at midnight, ibig sabihin, lahat ng mga kalakal na karga ng mga naglalakihang truck ay uumpisahan lamang sa hatinggabi.
Nakikiusap naman si Skyway Spokesperson Anna Gamboa sa mga motoristang babaybay sa construction site na panatilihing nasa maayos na kondisyon ang mga sasakyan.
“Ang pakiusap namin sa kanila na to keep their vehicles in condition kasi pagnagkaroon ng breakdown o nasira maaaring makasikip ng traffic.”
Ang full scale construction ng Skyway 3 ay magsisimula sa Abril na inaasahang tatagal ng tatlumput anim na buwan.
Samantala, sisimulan na din sa Hulyo ang Bonifacio Global City to Ortigas Center link road project, Senator Gil Puyat/Makati Avenue-Paseo De Roxas Vehicle Underpass, España Lacos Overpass at ang South Luna and Mc Kinley Ramps sa Taguig.
Kapag sinimulan na ito, siguradong mabigat na daloy ng trapiko ang mararanasan sa Metro Manila.
Umapela naman ang Malakanyang sa mga mamamayan na maaapektuhan kaugnay ng pagsisimula ng konstruksyon ng Skyway 3
“We would like to ask the public also to bear with us, I know this going to be a difficult situation for traffic goes,” Presidential Spokesperson Sec. Edwin Lacierda. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)