MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Korte Suprema ang karamihan sa mga probisyon ng Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Law.
Kabilang sa mga pinagtibay ng Korte Suprema ang probisyon sa online libel at ang mas mataas na parusa sa mga krimen na isinagawa gamit ang computer at internet.
Ngunit hindi kasama sa maaaring maparusahan sa online libel ang mga nakatanggap, nag-like at nag-share lamang ng sinasabing libelous post o article.
Idineklara namang unconstitutional o labag sa saligang-batas at pinapawalang-bisa ang limang probisyon ng Cybercrime Law, kabilang dito ang real time collection ng traffic data at ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Department of Justice na magpasara ng isang website kahit walang court order.
Kasabay ng inilabas na ruling ay binabawi na ng Korte Suprema ang TRO na pumipigil sa implementasyon ng Cybercrime Law. (UNTV News)