Davao City, Philippines – Nilinaw ng Bangsamoro Transition Commission na hindi kaagad aalisin sa trabaho ang daan-daang empleyado ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) regional government sa pagsisimula ng transition period sa 2015.
Sinabi ni Mohaquer Iqbal, ang chairman ng Bangsamoro TransCom na dadaan muna sa gradual abolition ang ilang tanggapan ng ARMM kapag nagsimula na ang pagpapalit ng liderato.
“Yung abolition po hindi ibig sabihin one shot deal yan eh, it has to be by phases, we are also concern about the families and the security of all those in government.”
Paliwanag pa ni Iqbal, unang bubuwagin sa pagsisimula ng transition period ang tanggapan ng regional governor, regional vice governor at ang regional legislative assembly na binubuo ng mga assemblyman na tumatayong representante ng mga probinsiya ng Maguindanao, Lanao Del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi at susunod naman ang mga casual employees.
“Second yung mga political appointees and third yung mga casual employees maalis po yun, pero yung bureaucracy they will stay, in the meantime until the new set up suited to the ministerial form of government is going to be on the last.”
Nauna na ring nagpahayag ng kahandaang magbigay daan sa transition period at bumaba sa takdang panahon si Maguindanao Second District Assemblyman Khaffadeh Mangudadatu.
Sinabi din nitong ipinapaubaya na niya sa mga law expert ang isyu kung ligal bang bumaba sa puwesto ang lahat ng mga halal na opisyal ng ARMM pagsapit ng 2015.
Batay sa mandato, sa 2016 pa sila dapat na umalis sa puwesto.
“Kung ang panaginip na ito o ang pangarap na ito ay para maging mapayapa lang ang bawat isa, kami po sa Autonomous Region in Muslim Mindanao ay handa po sa kung anomang nakakabuti para sa pamayanan ng Bangsamoro community. I for one I am much ready,” pahayag ni Mangudadatu.
Sinabi naman ni Iqbal na ligal ang gagawing pag-abolish sa kasalukuyang gobyerno ng ARMM at pagpapababa sa mga opisyal nito.
“Alam mo yung according to legal experts, abolition meaning abolishing one entity, replacing it with another entity by law is legal by law it is legal, even if they question it, and it is their right, but I think as what the legal experts are saying, then it’s a legal action on the part of government.”
Samantala, bukas din aniya ang transition commission sakaling maghabol ang sinoman sa korte hinggil sa legalidad ng abolisyon. (Louell Requilman / Ruth Navales, UNTV News)