MALOLOS CITY, Philippines — Mahigit walumpong bilanggo sa Bulacan Provincial Jail ang mapalad na nakaboto ngayong mid-term elections.
Sa tala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), karamihan sa mga registered voters sa bilangguan ay mga kalalakihan na mula sa Malolos City.
Ayon kay COMELEC Provincial Supervisor Elmo Duque, walang PCOS machine na gagamitin sa loob ng bilangguan.
May mga nakatalaga lamang support staff ang COMELEC na siyang kukuha ng balota sa mga polling precinct at ihahatid sa kulungan.
Ayon kay Duque, ang mga BEI ang siyang magdadala ng mga balota galing sa provincial jail papunta sa polling precinct at doon ipapasok sa PCOS machine.
“There is no physical transport kasi ang logistic niyan masyadong mahal. Kasi kailangan pa BJMP ang mag escort sa kanila.”
Tiniyak naman ng pamunuan ng bilangguan na magiging maayos ang pagpapatupad ng karapatang bumoto ng ating mga kababayang bilanggo.
Ayon sa mga botante, hindi dahilan ang rehas na bakal para hindi sila makasali sa pagpili ng maayos na manunungkulan sa kanilang lugar at sa buong bansa. (Nestor Torres & Ruth Navales, UNTV News)