PASAY, Philippines — OK ang mga PCOS machine, walang major problem at walang failure of elections. Ito ang general assessment ni COMELEC Chairman Sixto Brillantes sa kanyang kauna-unahang press briefing sa PICC.
Bagamat mayroong reported glitches, sinabi ni Chairman Brillantes na wala pa ito sa one percent ng mahigit 78,000 PCOS machine.
Sa ngayon, anya nasa mahigit 100 pa lang ang na-report na nagkaproblemang makina at kahit umabot pa anya ito sa 200 ay mababa pa rin ito kumpara sa 400 reported problem ng PCOS machine noong 2010.
Ibinigay nitong halimbawa ang maayos na pagboto ni Pangulong Aquino.
Anya, tila napapalaki ang report sa media kaugnay sa PCOS machine subalit ang importante ay nagtutuloy ang eleksyon.
Kinumpirma rin nito na pinayagan nila ang pagputol o paggupit ng kaunti sa mga balota sa Bukidnon dahil ito ay oversized. Naging epketibo naman anya ang pagpasok ng mga ito sa makina.
Naging isyu naman ang mis-delivered ballots sa isang presinto sa Compostela Valley at Baguio City.
Sinabi ni Brillantes na posibleng nagkamali sa labeling ng ballot packaging kung kaya nagkapalit ang mga balota.
Iginiit nito na hindi matatawag na failure of election dahil tiyak pa ring may mananalong mayor sa lugar sapagkat isang presinto lamang ang walang nakaboto.
Hindi na naman magpapatawag ng special elections sa partikular na presinto sapagkat hindi makakaapekto sa resulta ng lokal na halalan.
Iginiit ni Chairman Brillantes na wala pa silang nakikitang dahilan upang ipatawag ang extention ng oras at wala rin syang balak irekomenda ito.
Base sa kanyang sinabi, ‘it seems normal ang voters turn out.’ (PONG MERCADO, UNTV News)