MANILA, Philippines – Magkakaroon na ng special coach service ang Philippine National Railways (PNR) simula sa Marso 3, 2014.
Ito ang isa sa nakikitang paraan ng Department of Transportation and Communication (DOTC) upang makaiwas sa matinding trapiko ang publiko dulot ng isasagawang road projects sa Metro Manila.
Ayon kay DOTC Spokesman Michael Arthur Sagcal, ang mga special coach service na ito ay may fixed seating kaya iwas sa siksikan hindi gaya ng ordinaryong tren ng PNR.
Mayroon din itong on board comfort rooms, reclining seats at air-conditioned upang komportable ang mga pasahero.
Apat na beses ang biyahe ng special coach service sa isang araw at itatapat ito sa rush hours.
Kaya rin nitong magsakay ng 120 pasahero sa isang biyahe.
ORAS NG BYAHE NG SPECIAL COACH SERVICE NG PNR
Tutuban to Sta. Rosa 5:47am 7:33am
Sta. Rosa to Tutuban 8:00am 9:46am
Tutuban to Sta. Rosa 4:17pm 6:03pm
Sta. Rosa to Tutuban 6:08pm 7:54pm
“Sana hindi lang madadagdagan ang mga sumasakay dito, para yung mga motorista din na sanay na magdala nang kotse halimbawa mula Alabang hanggang Makati maenganyo sila na sumakay dito sa special coach service,” saad ni Sagcal.
Aabutin lamang ng 31 minuto ang biyahe ng tren mula Tutuban Station sa Maynila hanggang Buendia sa Makati, habang isang oras at 15 minuto naman hanggang Sta. Rosa, Laguna.
P60.00 hanggang P90.00 ang pamasahe dito.
Ani Sagcal, “Kung bibilangin mo yung gastusin nila sa gas, gastusin nila sa pamasahe sa bus, tapos yung nasayang na oras, magiging epesyente talaga ang sumakay dito sa PNR.”
kapag nasimulan na ang proyekto, pag aaralan din ng PNR kung kailangang dagdagan ang biyahe ng special coach service para mas marami ang mapagsilbihang pasahero.
Samantala, bukod sa special coach service ng Philippine National Railways, simula sa susunod na linggo ay susubukan naman ng MRT ang extended operating hours upang makatulong sa publiko na makaiwas sa mabigat na trapiko. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)