Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Importer ng mga basura galing Canada, inireklamo ng smuggling

$
0
0

Ang sinampahan ng BOC ng kaso dahil sa pagpupuslit ng mga basura mula sa Canada. (UNTV News)

MANILA, Philippines – Nahaharap ngayon sa kasong smuggling ang importer ng 50 container vans na naglalaman ng tone-toneladang basura galing sa Canada.

Sinampahan ng pormal na reklamo ng Bureau of Customs (BOC) si Adelfa Eduardo, may-ari ng Chronic Plastics na nakabase sa Canumay, Valenzuela City at ang mga customs broker nito na sina Leonora Flores at Sherjun Saldon dahil sa sari-saring paglabag sa Tariff and Customs Code, Revised Penal Code at Republic Act 6969 na nagbabawal sa importasyon ng mga toxic waste at mga kemikal na mapanganib sa kalusugan.

Ayon kay BOC Commissioner John Sevilla, dumating sa bansa ang anim na shipment ng mga container van na naglalaman ng basura mula Hunyo hanggang Agosto 2013 at tinangkang ipuslit sa Manila International Container Port.

Idineklara ang mga ito bilang scrap plastic materials ngunit sa ginawang inspeksyon ng mga tauhan ng BOC, nabatid na puro basura pala ang laman ng mga ito.

“Ito po ay di lamang labag sa Tariff and Customs Code kung hindi sa ilang batas tungkol sa ating environment. Uulitin ko po hinding hindi tau dapat pumayag at hinding-hindi po papayag ang Customs na maging basurahan tayo ng mundo,” mariing pahayag ni Sevilla.

Hindi pa tiyak ng Bureau of Customs kung may pananagutan din sa batas ng bansa ang nagpadala ng mga shipment ng basura.

Plano ngayon ng ahensiya na makipag-ugnayan sa gobyerno ng Canada upang mapanagot din ito.

“Siguro kelangan namin gawin dito ay makipag-ugnayan sa Canadian Embassy kasi alam ko bawal din sa batas ng Canada yan,” saad pa ni Sevilla.(Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481