MAKATI CITY, Philippines – Simula sa Hunyo 20, mahigpit nang ipatutupad sa Makati City ang plastic ban.
Sa ilalim ng nasabing ordinansa, ipagbabawal na ang paggamit ng plastic, styrofoam at iba pang uri ng non-biodegradable materials sa packaging ng mga pagkain at kahalintulad na produkto.
Sinumang indibidwal na lalabag sa kautusan ay pagmumultahin ng P1,000 o pagkakakulong ng mula 5 hanggang 30 araw.
Ang mga may-ari naman ng establisyimento o korporasyon ay papatawan ng multang P5,000 o pagkakakulong ng hanggang isang taon o kaya ay kanselasyon ng business permit depende sa hatol ng korte.
Inaatasan rin ng nasabing batas ang mga business owner sa Makati na magsumite ng inventory report ng kanilang non-biodegradable materials hanggang Hunyo 7 para makaiwas sa karampatang parusa. (UNTV News)