MANILA, Philippines — Umabot sa 67 government offices ang hindi nakapasa sa isinagawang 2013 anti-red tape test ng Civil Service Commission.
Ayon kay Civil Service Commission Chairman Francisco Duque, layunin ng anti-red tape test na magkaroon ng maayos at de kalidad na serbisyo ang bawat pampublikong opisina sa bansa.
“Yang Anti-Red Tape Act of 2007 ay isang batas na inaprubahan ng Congress upang siguraduhing magkakaroon ng efficiency ang lahat ng mga frontline services ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.”
Batay sa resultang inilabas ng Report Card Survey, lumabas na ang Land Bank of the Philippines, Public Attorney’s Office (PAO) at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nakakuha ng excellent marks.
Nakakuha naman bagsak na marka ang Land Transportation Office (LTO) at Social Security System (SSS) partikular ang mga opisina nito sa Iloilo at Lipa, Batangas.
Sinabi naman ni Duque na malaki ang ibinaba ng bilang ng mga nakakuha ng bagsak na marka kumpara noong taong 2012.
Base sa tala ng Civil Service Commission, umaabot lamang sa 7 porsyento o katumbas ng 67 government offices ang hindi nakapasa sa taong 2013.
Mas mababa ito ng 18 porsyento, kumpara noong 2012 na umabot sa 25 porsyento o katumbas ng 150 government agencies.
Nilinaw naman ni Duque na hindi ibig sabihin na kapag hindi nakapasa ang isang opisina ay bagsak na ang kabuoan ng ahensya.
“Nais kong linawin na hindi komo may isang opisinang bumagsak eh ito’y naglalarawan na ang bagsak.”
Dagdag nito, “Ang ating Report Card Service ay office specific, kung nasa Pagadian, Dagupan, nasa ARMM, nasa Baguio ang tinutukoy natin yung service office na yun.”
Sa resulta ng 2013 anti-red tape test, umabot sa 168 government offices ang nakahuha ng excellent mark, samantala 557 mga opisina naman ang nakakuha ng good at 101 ang nabigayan ng acceptable remarks. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)