MANILA, Philippines — Matapos hilingin ng isang senador na sumailalim sa lifestyle check, bumwelta ngayon ng hamon si dating Technology Resource Center Director General Dennis Cunanan sa mga senador na idinadawit sa pork barrel scam.
Sa inilabas na statement ng kanyang mga abogado, hinamon ni Cunanan ang tatlong senador na sina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla na sumailalim din sa lifestyle check at pumayag na mabuksan ang kanilang mga bank account.
Ito aniya ay upang mapatunayan ang sinasabi ng mga senador na inosente sila sa umano’y anomalya sa kanilang PDAF at upang malaman ng taong-bayan kung sino ang nagsasabi ng katotohanan.
Agad namang tinanggap ni Senador Estrada ang hamon.
“Ok lang basta lahat kami,” saad nito.
Muli ring iginiit ni Cunanan na hindi siya tumanggap ng suhol o komisyon mula sa mga idinadawit sa pork barrel scam.
Inaasahan na rin umano niya na sisiraan siya sa publiko kaugnay ng kanyang desisyon na tumestigo sa panig ng gobyerno.
Dagdag pa ni Cunanan, bukod sa paninira sa kanyang pagkatao ay may mga natatanggap na rin umano silang pagbabanta sa seguridad ng kanyang pamilya.
Ayon kay Justice Secretary Leila De Lima, bagama’t kinukumpirma pa ito ng NBI, hindi ito dapat ipagwalang-bahala.
“Yes, there are real security concerns surrounding Dennis Cunanan and even the other state witnesses. We cannot be disclosing details because we are still verifying those reports. Hindi namin alam kung saan nanggagaling so we want to be very careful.”
Sinabi pa ng kalihim na otomatikong binibigyan nila ng seguridad maging ang pamilya ng isang state witness kapag may ganitong mga pagbabanta.
“I just thought now na better kung medyo may konting transparency kaysa naman we will not be disclosing these things and what if something happens, God forbid,” pahayag pa ni De Lima. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)