MANILA, Philippines — Hindi kasali ang mga pulis na nakahuli kay Delfin Lee sa mababahaginan ng dalawang milyong pisong pabuya.
Ayon kay PNP spokesperson Chief Superintendent Reuben Theodore Sindac, tungkulin ng Task Force Tugis na hanapin at dakpin si Lee kaya tanging ang impormante lamang ang makatatanggap ng pabuya.
Aniya, “Bawal sa pulis tumanggap ng reward, it is the informants that gets the reward.”
Tiniyak naman ni Sindac na dadaan sa proseso ang pagbibigay ng reward sa informant upang masigurong ito ang totoong impormante.
Ayaw namang magsalita ni Sindac kung ilan ang impormante at kung gaano katagal ang proseso bago maibigay ang 2 milyong pisong reward.
“I cannot divulge anything at all about the person or informants because it will unduly compromise his/her safety and security.”
Itinanggi rin ni Sindac na may nagtangkang umarbor kay Lee matapos na mahuli ng mga tauhan ng Task Force Tugis.
“Wala po kaming nakita o nadamang paghabol o arbor o hadlang sa pag-aresto kay Delfin Lee,” mariing pahayag nito.
Samantala, tinangap naman ni Pangulong Aquino ang paliwanag ni Oriental Mindoro Governor Alfonso Umali ukol sa lumabas sa mga balita na tinawagan niya si PNP Chief Alan Purisima matapos mabalitaan na nadakip na si Lee.
Matapos na maaresto si Lee dahil sa kasong syndicated estafa ay hahabulin naman ng PNP Task Force Tugis ang natitira pang apat sa Big 5 criminals na kinabibilangan nina Jovito Palparan Jr., Ruben Ecleo Jr. at magkapatid na Mario at Joel Reyes. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)